Thursday, September 27, 2012

09242012


Sino ba ako para problemahin ang problema ng iba?

Sa totoo lang, hindi ko rin alam. Hindi naman ako dating ganito. Noon, isa akong tao na walang pakialam sa mundo. Sino sila para paglaanan ko ng oras sa pag-iisip? May sari-sariling buhay ang bawat tao. Pero may koneksyon ang isang tao sa isa pa. Kailanman ay hindi mo masasabi na nag-iisa ang tao.

Tahimik akong tao, pero hindi ibig sabihin noon ay wala akong pakialam sa kanila. Sa paglabas ng bawat unos na sumasapit sa mga taong nakapalibot sa akin, nararamdaman ko ang nararamdaman nila. Mga bagay na tila kung tutuusin ay hindi ko dapat iniisip. Subalit hindi sapat ang aking pang-unawa upang unawain ang lahat ng ito, at hindi sapat ang aking kakayahan upang isaayos ang lahat ng bagay. Tulad nila, isa lamang akong tao. Walang kakayahang maging makapangyarihan sa lahat ng bagay.

Ang mga suliraning iyon ang unti-unting dumudurog sa puso ko. Ito ang mga bagay na kung tutuusin ay hindi ko dapat nararamdaman. Minsan naisip ko na magpakamanhid na lang sa ginagawa nila. Pero ibang nilalang na ako ngayon. Hindi na umiikot sa aking sarili ang buong buhay ko. Naging bahagi na rin sila ng buhay ko.

Ang martir lang ng dating, di ba? Sa totoo lang, nakakapanghina. Nakakapanghinang isipin ang problema ng iba. Minsan gusto ko ng sumuko at ibalik ang dating sarili, ngunit hindi ko kaya. Hindi ko kayang mawalan ng pakialam sa kapwa ko. Hindi ko kayang bitawan ang nararamdaman ng mga taong minamahal ko, lalo na ng Diyos na alam kong nakakaramdam din ng mga ganitong bagay. Isang maliit na bintana lamang ang aking nasisilayang problema kumpara sa mga problemang nakikita Niya. Alam kong kailanman, hindi Siya nawalan ng pakialam sa problema sa mundo.

Mabuti na lang, hindi Siya tao. Di hamak na malawak ang Kanyang pang-unawa, at higit Siyang makapangyarihan sa akin. Higit sa lahat, alam kong mapagmahal Siya. Alam kong wala na akong magagawa sa mga problema nila; ngunit kung Siya, alam kong meron pa.

Isa lang naman akong tao na nararamdaman ang problema ng iba. 

No comments:

Post a Comment